Isang sunog ang naganap ngayong umaga sa ginagawang bahagi ng Taichung Thermal Power Plant ng Taiwan Power Company (Taipower). Naapula ang apoy sa loob ng isang oras. Ayon sa Occupational Safety and Health Administration (OSHA) ng Ministry of Labor, natuklasang may paglabag ang kontratistang kumpanya sa batas sa kaligtasan sa trabaho, kaya agad na pinahinto ang operasyon at pinatawan ng multa. Kailangang makapaghanda muna ng isang komprehensibong plano sa kaligtasan bago payagang ipagpatuloy ang trabaho.
Ayon kay Lin Tsung-wei, Direktor ng Central Occupational Safety Center ng OSHA, batay sa paunang imbestigasyon, nagdulot ng mga tilamsik ng apoy ang paggupit ng mga bakal na baras, na siyang nagpasiklab sa mga plastic na hulma sa lugar. Napag-alamang hindi nasunod ang tamang safety measures sa paggamit ng mga kagamitan na maaaring magdulot ng apoy, tulad ng paggamit ng fireproof blankets upang maiwasan ang pagkalat ng mga tilamsik at ang pag-aalis ng mga madaling masunog na materyales sa paligid.
Dahil dito, sinabi ni Lin na nilabag ng kontratistang kumpanya ang Occupational Safety and Health Act. Bilang parusa, pinatigil ang operasyon at ipinataw ang multang mula NT$30,000 hanggang NT$300,000. Ang pagtatrabaho ay muling papayagan lamang matapos ipresenta ang isang maayos na plano sa kaligtasan. Dagdag pa niya, paiigtingin ang inspeksyon sa mga construction site ng Taichung Power Plant upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.
Ayon naman sa Taiwan Power Company, ang sunog ay naganap habang isinasagawa ang seawater channel construction sa ilalim ng bagong proyekto ng power plant. Dahil sa maling paghawak ng paggupit ng bakal, nagdulot ito ng tilamsik na nagpasiklab sa mga plastic na hulma. Agad namang rumesponde ang fire brigade ng planta at naapula ang sunog bandang 10:45 AM. Wala namang nasaktan sa insidente at hindi naapektuhan ang operasyon ng mga makina.
Samantala, inihayag ng Taichung City Government na ang sunog ay naganap sa panlabas na bahagi ng construction site ng planta. Agad namang namonitor ng Environmental Protection Bureau (EPB) gamit ang kanilang AI smoke detection system ang insidente at kaagad na nagpadala ng mga tauhan upang masuri ang kalidad ng hangin sa lugar.
Bagamat walang malinaw na pagbabago sa air quality sensors sa paligid, napansin na may pagkalat ng particulate pollutants sa himpapawid dahil sa makapal na usok. Dahil dito, natukoy na may paglabag sa Air Pollution Control Act. Ang kontratistang kumpanya na responsable sa insidente ay mahaharap sa multa mula NT$100,000 hanggang NT$5,000,000.