Patuloy na nililitis ng Hukuman ng Distrito ng Taipei ang kaso kaugnay ng Jinghua City at umano’y iligal na political donations. Ngayong araw, Marso 20, ay muling gaganapin ang isang preliminary hearing kung saan ipiprisinta ang mga nakakulong na akusadong sina Shen Ching-ching, Ying Hsiao-wei, at Li Wen-tsung. Sa unang pagkakataon ay haharap din sa korte si dating alkalde ng Taipei na si Ko Wen-je. Bukod sa pagsasaayos ng mga pangunahing isyu sa kaso, layunin ng pagdinig na suriin kung kinakailangan pang palawigin ang kanilang pagkakakulong.
Noong Disyembre 26, 2024, isinampa ng Tanggapan ng Panlunsod na Tagausig ng Taipei ang kaso laban kina Ko Wen-je at Shen Ching-ching, tagapangulo ng Weijing Group, kasama ang siyam na iba pa. Sila ay kinasuhan sa ilalim ng Anti-Corruption Act para sa mga kasong katiwalian, pagbibigay ng pabor sa pribadong interes, paglustay ng pampublikong yaman, at paglabag sa tiwala. Humihiling ang prosekusyon ng kabuuang 28 taon at 6 na buwang pagkakakulong para kay Ko Wen-je.
Kabilang sa iba pang akusado sina dating hepe ng Tanggapan ng Alkalde ng Taipei na si Li Wen-tsung, dating Bise-Alkalde na si Peng Chen-sheng, dating direktor ng Urban Development Bureau na si Huang Ching-mao, dating kalihim ng Urban Planning Commission na si Shao Hsiu-pei, Konsehal ng KMT sa Lungsod ng Taipei na si Ying Hsiao-wei, ang kanyang assistant na si Wu Shun-min, ang tagasuri ng Jinghua City na si Chang Chih-cheng, ang tagapangulo ng Muke Company na si Li Wen-chuan, at ang accountant na si Duan Mu-cheng.
Habang iniimbestigahan ang kaso, humiling ang prosekusyon ng preventive detention para kina Ko Wen-je, Shen Ching-ching, Ying Hsiao-wei, Peng Chen-sheng, at Li Wen-tsung, na inaprubahan naman ng korte. Sa unang yugto ng paglilitis, itinakda ng korte ang mga sumusunod na halaga ng piyansa: NT$30 milyon para kay Ko Wen-je, NT$40 milyon para kay Shen Ching-ching, NT$15 milyon para kay Ying Hsiao-wei, NT$5 milyon para kay Peng Chen-sheng, at NT$8 milyon para kay Li Wen-tsung (na una nang nakapagpiyansa ng NT$2 milyon).
Gayunman, inapela ng prosekusyon ang mga nasabing halaga at ibinalik ng Taiwan High Court ang desisyon sa mababang hukuman, na kalaunan ay nagtakda ng mas mataas na piyansa: NT$70 milyon para kay Ko Wen-je, NT$100 milyon para kay Shen Ching-ching, NT$30 milyon para kay Ying Hsiao-wei, at NT$20 milyon para kay Li Wen-tsung. Sa muling apela ng prosekusyon, tagumpay nilang nakamit ang desisyong ikulong muli ang apat. Noong Enero 2 ng kasalukuyang taon, ipinataw ng korte ang tatlong buwang pagkakakulong na may kasamang pagbabawal sa pagdalaw.
Dahil nalalapit na ang pagtatapos ng itinakdang panahon ng pagkakakulong, muling ipiprisinta sa korte ngayong araw sina Shen Ching-ching at Ying Hsiao-wei sa umaga, at sina Li Wen-tsung at Ko Wen-je sa hapon. Layunin ng pagdinig na alamin kung dapat bang palawigin ang kanilang pagkakakulong at upang ipagpatuloy ang paghahanda ng mga argumento sa kaso. Sina Shen, Ying, at Li ay ikalawang beses nang haharap sa korte, samantalang si Ko Wen-je ay unang beses pa lamang haharap ngayong ganap na 3:40 ng hapon.
Bilang paghahanda sa posibleng pagtipon ng mga tagasuporta ni Ko Wen-je sa labas ng korte, magpapakalat ng humigit-kumulang 95 pulis ang kapulisan ng Taipei upang tiyakin ang seguridad at isagawa ang kontrol sa trapiko. Maglalagay rin sila ng mga harang at hadlang sa mga kritikal na lugar sa paligid ng korte upang maiwasan ang anumang aberya o kaguluhan.