Inanunsyo ng Ministry of the Interior’s National Immigration Agency (NIA) nuong ika- Marso 21 na kinansela na ang residence permit ng dalawang Chinese spouse, na kilala sa internet bilang “Xiaowei” at “Enqi.” Ang dalawa ay nag-upload ng mga video online na nagtataguyod ng armadong pananakop sa Taiwan. Matapos ang masusing imbestigasyon, inatasan na silang lisanin ang bansa sa takdang panahon. Kung hindi sila aalis sa itinakdang oras, sapilitang ipapa-deport sila.
Ayon sa NIA, si “Xiaowei” ay nag-post ng mga video na may nilalamang "Ang mga kalsada sa Taiwan ay puno ng watawat na may limang bituin", na nagpapahiwatig ng pagsira sa soberanya ng Taiwan at paghikayat ng armadong pananakop. Dahil dito, matapos ang imbestigasyon at pakikipag-ugnayan sa Mainland Affairs Council at iba pang ahensya, kinansela ang kanyang residence permit. Hindi rin siya maaaring mag-apply ng dependent residence permit sa loob ng limang taon.
Si “Enqi” naman ay nag-upload ng mga video kung saan sinabi niya ang mga pahayag tulad ng "Ang pagsasanay ng PLA (People’s Liberation Army) ay nagpapakita ng matatag na lakas ng militar at pangangalaga sa pambansang soberanya" at "Ang Taiwan ay hindi maihihiwalay na bahagi ng China"—mga pahayag na sumusuporta sa armadong pananakop. Dahil dito, kinansela rin ang kanyang long-term residence permit at inatasan siyang lisanin ang bansa sa itinakdang panahon. Kung hindi, siya ay sapilitang ipapa-deport.
Binigyang-diin ng NIA na ang kanilang administrasyon ay naaayon sa batas at patuloy nilang paiigtingin ang kanilang mga imbestigasyon upang mapanatili ang pambansang seguridad at panlipunang kaayusan. Pinabulaanan din nila ang mga maling balita na nagsasabing hindi sila aktibong kumikilos sa ganitong mga kaso.
Dagdag pa rito, sinabi ng NIA na ang karamihan sa mga bagong residente sa Taiwan ay nirerespeto ang mga prinsipyong demokratiko at malayang pamumuhay ng bansa. Hinihimok nila ang lahat ng mamamayan na maging magkaisa upang mapanatili ang demokrasya at maiwasan ang pagkakawatak-watak ng lipunan.