Dumalo nung umaga (Marso 29) si Premier Cho Jung-tai sa “2025 Overseas Student Job Fair” na inorganisa ng Overseas Community Affairs Council (OCAC). Ayon kay Cho, tulad ng ibang bansa sa mundo, aktibong nakikipagkumpetensya ang Taiwan sa pagkuha ng mahuhusay na talento. Aniya, ang bansang makakakuha ng pinakamahusay na talento ay may mas malaking tsansa na manguna sa pandaigdigang kompetisyon sa hinaharap. Kaya naman, bukas ang Taiwan para sa lahat ng overseas students na nais maging bahagi ng pag-unlad ng ekonomiya ng bansa at makabuo rin ng magandang kinabukasan para sa kanilang sarili.
Upang matulungan ang overseas students na mag-transition nang maayos sa job market ng Taiwan at mapadali ang koneksyon sa pagitan ng mga kumpanya at talentong dayuhan, ginanap ng OCAC Overseas Community Affairs Council ang 2025 Overseas Student Job Fair sa Taipei Main Station nung Marso 29. Lumahok sa job fair ang mga kumpanyang mula sa iba't ibang industriya gaya ng semiconductor, teknolohiya, artificial intelligence (AI), retail, turismo at hospitality, serbisyo sa pananalapi, at pagmamanupaktura, na nag-alok ng higit sa 1,000 job openings.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Premier Cho na sa National Talent Competitiveness Enhancement Program ng National Development Council (NDC), ang pagkuha ng mahuhusay na talento ay isa sa pinakamahalagang estratehiya para sa pangmatagalang pag-unlad ng bansa. Kaya naman, patuloy na pinalalakas ng gobyerno ang kompetitibidad ng talento ng Taiwan sa pandaigdigang antas at nagpapatupad ng mga hakbang upang makahikayat ng mas maraming propesyonal mula sa iba’t ibang bansa. Aniya, buong suporta ang ibibigay ng Executive Yuan sa mga programang ito, at si Pangulong Lai Ching-te mismo ay lubos na nakatutok sa usaping ito.
Samantala, sinabi naman ni OCAC Minister Hsu Chia-ching na ngayong taon ay ikatlong beses nang isinagawa ang job fair. Mula sa mahigit 50 kumpany ang lumahok noong unang taon, lumobo ito sa mahigit 300 kumpanya ngayong taon. Ipinapakita nito na parami nang parami ang malalaking lokal at internasyonal na kumpanya na kumikilala sa kakayahan ng overseas at foreign students at mas tumataas ang pangangailangan sa kanila sa merkado ng trabaho. Marami sa mga lumahok na kumpanya ay malalaking publicly listed firms na may mapagkumpetensyang sahod at benepisyo.
Dagdag pa ni Hsu, patuloy na magbibigay ng suporta ang gobyerno sa overseas at foreign students sa pamamagitan ng pagpapabuti sa point-based system para sa pagtatrabaho sa Taiwan, pati na rin sa iba pang kaugnay na regulasyon. Hinikayat niya ang lahat ng overseas students sa Taiwan na samantalahin ang job fair upang makahanap ng kanilang ideal na trabaho, at sa hinaharap ay makapagtayo ng pamilya at permanenteng buhay sa Taiwan.