Matapos yanigin ng isang malakas na lindol ang Myanmar noong ika-28 ng Marso, nagdulot din ito ng pinsala sa Thailand. Sa isang kaganapan nuong ika-29, ng Marso, ipinahayag ni Premier Chuo Jung-tai ang pakikiramay ng pamahalaan ng Taiwan sa mga apektadong mamamayan ng Myanmar at Thailand. Personal din niyang ipinaabot ang mensaheng "Taiwan Can Help" sa kinatawan ng Thailand sa Taiwan, na si Mr. Narong Boonsatheanwong.
Sinabi ni Premier Chuo:
"Nais kong ipaabot sa kinatawan ng Thai Trade and Economic Office, Mr. Narong Boonsatheanwong, ang taos-pusong pakikiramay ng gobyerno at mamamayan ng Taiwan sa Thailand at Myanmar matapos ang matinding lindol. Nakita rin natin kung paano mabilis na kumilos ang gobyerno ng Thailand sa pagsasagawa ng mga hakbang sa ilalim ng state of emergency para sa mga operasyon ng pagsagip. Umaasa kami na magiging maayos ang kanilang rescue efforts, at kung may anumang tulong na maaaring ibigay ng Taiwan, ipapaabot ko kay Mr. Narong na 'Taiwan Can Help'. Ang Taiwan ay handang tumulong. Magsama-sama tayo sa pagbibigay suporta sa gobyerno at mamamayan ng Thailand."
Ayon naman kay Overseas Community Affairs Council (OCAC) Chairperson Hsu Chia-ching, pinakamatinding tinamaan ng lindol ang gitnang bahagi ng Myanmar. Gayunpaman, sa kasalukuyang impormasyon, walang naiulat na nasugatan o nasawi mula sa mga overseas Taiwanese na nagtuturo, mga negosyanteng Taiwanese, o mga turistang naroroon.
Dagdag pa niya, napinsala nang husto ang mga land at air transport sa Myanmar, kaya posibleng maging hamon ang evacuation operations.
Sa Thailand naman, partikular sa Bangkok, ilang gusali ang napinsala, ngunit ayon sa paunang ulat, walang nasaktan o naapektuhang Taiwanese na naninirahan o nagnenegosyo doon. Patuloy pang sinusuri ang lawak ng pinsala sa lugar.