close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

Malacañang Naglabas ng Anunsyo: Pinaluwag ang mga Limitasyon ng Opisyal na Pakikipag-ugnayan sa Taiwan

  • 24 April, 2025
  • 汪馬雪莉
Malacañang Naglabas ng Anunsyo: Pinaluwag ang mga Limitasyon ng Opisyal na Pakikipag-ugnayan sa Taiwan
Diagram showing Taiwan-Philippines relations. (AI-generated image)

Naglabas ng memorandum circular ang Malacañang na nagpapaluwag sa mahigit 30 taon nang mahigpit na mga limitasyon sa pakikipag-ugnayan ng mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas sa Taiwan, upang mas mapalawak ang oportunidad na makahikayat ng pamumuhunan mula sa Taiwan at mapaunlad ang kooperasyong pang-ekonomiya at kalakalan.

Ayon sa Official Gazette ng pamahalaan ng Pilipinas noong ika-21, inilathala ang Memorandum Circular No. 82 mula sa Malacañang, na nagpapaluwag sa mga limitasyon ng pakikipag-ugnayan na itinakda noong 1989 sa ilalim ng Executive Order No. 313 ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Nilagdaan ng Executive Secretary na si Lucas Bersamin noong Abril 15, sa ngalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang bagong memorandum circular.

Ang Executive Order No. 313 ay orihinal na nagbabawal sa lahat ng opisyal ng gobyerno ng Pilipinas na bumisita sa Taiwan, tumanggap ng mga opisyal ng Taiwan, o makipag-ugnayang opisyal sa Taiwan nang walang pahintulot mula sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa ilalim ng bagong memorandum circular, maliban sa Pangulo, Pangalawang Pangulo, Kalihim ng Ugnayang Panlabas, at Kalihim ng Tanggulang Pambansa, pinapayagan na ang ibang mga opisyal ng gobyerno na bumisita sa Taiwan para sa layuning pang-ekonomiya, pangkalakalan, at pang-investment, basta’t ordinaryong pasaporte ang gagamitin at hindi gagamitin ang kanilang opisyal na titulo.

Gayunpaman, kinakailangang makipag-ugnayan muna sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) bago bumiyahe, at pagkatapos ng biyahe ay kinakailangang magsumite ng ulat sa MECO at sa DFA.

Ibig sabihin, mula ngayon, ang mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas na bibisita sa Taiwan ay kailangan na lamang ipagbigay-alam ito sa MECO, at hindi na kailangang kumuha ng pahintulot mula sa DFA. Kilala ang DFA bilang mahigpit sa pagpapatupad ng “One China Policy” dahil sa diplomatiko nitong ugnayan sa China.

Dagdag pa rito, pinahihintulutan din ng Memorandum Circular No. 82 ang mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas na tumanggap ng mga delegasyon mula Taiwan para sa mga layuning pang-ekonomiya at pangkalakalan, basta’t ipagbigay-alam ito sa MECO hindi bababa sa limang (5) araw bago ang pulong, at magsumite ng ulat sa MECO at DFA pagkatapos ng pulong.

Gayunpaman, patuloy pa ring ipinagbabawal ng Memorandum Circular No. 82 na pumirma ng anumang kasunduan, memorandum, o dokumento ang mga opisyal o ahensya ng gobyerno ng Pilipinas kasama ang Taiwan, maliban na lamang kung ito ay may aprubadong pahintulot mula sa DFA at, kung kinakailangan, mula sa Malacañang.

Comments

Latest Newsmore