Isang bipartisan na grupo ng mga mambabatas ang nagtalakay nitong Miyerkules, isang araw bago ang Araw ng Paggawa, tungkol sa resulta ng isang espesyal na ulat na tumutuon sa kaligtasan sa lugar ng trabaho. Sina Chen Ching-hui (陳菁徽) at Wang Yu-min (王育敏) ng KMT, kasama si Lin Shu-fen (林淑芬) ng DPP, ay nagpahayag ng kanilang pag-aalala sa mga aksidenteng pagkahulog sa trabaho.
Binanggit ng mga mambabatas na bagaman may ginagawang hakbang ang Ministry of Labor upang sugpuin ang mga insidente ng pagkahulog, umabot pa rin sa 83 manggagawa ang namatay dahil dito noong 2024, malayo sa target na hindi dapat lumampas sa 68 ang mga nasawi. Ayon sa datos mula 2014 hanggang 2023, halos 1,000 na ang nasawi dahil sa ganitong aksidente.
Dagdag pa ni Lin, sa 83 na namatay noong nakaraang taon, 71 sa kanila ay hindi kailanman nakatanggap ng safety training. Ipinaliwanag niyang dahil sariling oras at pera ang kailangang ilaan ng mga manggagawa para makadalo sa training, kakaunti ang kanilang kagustuhang lumahok. Kumpirmado naman ni Labor Minister Hung Sun-han (洪申翰) na kasalukuyan nilang pinag-aaralan kung paano mahihikayat ang mga manggagawa na dumalo sa mga ganitong pagsasanay.
Tungkol naman sa epekto ng reciprocal tariffs sa merkado ng trabaho, sinabi ni Hung na may kapasidad ang ministeryo na magbigay ng wage subsidies kung magpatupad ang mga kumpanya ng mas maigsi na oras ng trabaho at dagdag na pahinga. Aniya, nakikipag-ugnayan na sila sa Ministry of Economic Affairs para sa mga kondisyong kailangang isaayos kung palalawakin pa ito sa ibang industriya.
Binigyang-diin din ni Hung na may 90-araw na moratorium sa mga taripa ni U.S. President Donald Trump at hindi pa tiyak kung magbabago ang sitwasyon. Ayon sa kanya, nakapaghanda na sila at patuloy nilang susubaybayan ang epekto ng taripa sa mga industriya.