Batay sa pinakabagong sarbey ng Humanity for Freedom Foundation, lumitaw na karamihan ng mga Amerikano ay may matibay na suporta para sa Taiwan at sa pagpapalalim ng ugnayang U.S.-Taiwan. Ayon sa Remington Research Group, na siyang nagsagawa ng sarbey, malinaw na may pagkakaisa ang mga taga-Amerika mula sa magkabilang panig ng politika pagdating sa isyu ng soberanya ng Taiwan at kahalagahan nito sa Estados Unidos.
Lumabas sa resulta na 68% ng mga sumagot ay may positibong pananaw sa Taiwan, habang 82% ang naniniwalang isa itong malayang bansa. Samantala, 58% naman ang sumusuporta sa pormal na pagkilala ng Estados Unidos sa Taiwan bilang isang independyenteng bansa at sa pagtatatag ng kumpletong diplomatikong relasyon. Ang sarbey ay isinagawa sa 800 posibleng botante mula sa iba’t ibang bahagi ng U.S., na may confidence level na 95%.
Pagdating naman sa usapin ng depensang militar, hati ang mga pananaw. Tatlumpu’t siyam na porsyento (39%) ang nagsabing dapat panatilihin ng U.S. ang tinatawag na strategic ambiguity o hindi malinaw na posisyon kung tutulong ba ito sakaling salakayin ng China ang Taiwan. Tatlumpu’t dalawang porsyento (32%) ang naniniwalang dapat malinaw na ihayag ng U.S. ang intensyong suportahan militarily ang Taiwan, 27% ang hindi sigurado, at ang natitirang 3% ay naniniwalang dapat nang ihinto ng U.S. ang pagbebenta ng armas sa Taiwan.
Ang Humanity for Freedom Foundation ay isang non-profit na organisasyong naglalayong labanan ang awtoritaryanismo at isulong ang mga polisiya para sa kalayaan at demokrasya. Ayon kina Dane Waters (Pangulo) at Paul Jacob (Direktor) ng nasabing foundation, ipinapakita ng resulta ng sarbey na matatag ang suporta ng mga mamamayang Amerikano sa Taiwan at nauunawaan nila ang estratehikong kahalagahan nito.