Patuloy na hindi isinasama ang Taiwan sa World Health Assembly (WHA). Ngayong araw (ika-3 ng Mayo), nagsagawa ng Taiwan Can Help charity walk ang Taiwanese Association in the Philippines, kung saan lumahok ang daan-daang Taiwanese na naninirahan sa Pilipinas at mga Pilipino upang ipakita ang kanilang suporta sa partisipasyon ng Taiwan sa World Health Organization (WHO) at WHA.
Gaganapin ang ika-78 na World Health Assembly (WHA) sa Geneva mula Mayo 19 hanggang 27, at ito na ang ika-9 na sunod na taon na hindi naimbitahan ang Taiwan na dumalo.
Idinaos ang Taiwan Can Help charity walk ng Taiwanese Association sa lungsod ng Caloocan sa Metro Manila. Dumalo rito ang mga Taiwanese na naninirahan sa Pilipinas, mga opisyal mula sa Taipei Economic and Cultural Office (TECO), mga kinatawan mula sa Manila Economic and Cultural Office (MECO), at mga lokal na residente.
May hawak na mga banner ang mga kalahok na may nakasulat na mensaheng “Taiwan Can Help” at “Leaving No One Behind” (Walang maiiwan).
Ayon kay Bai Shirong, pangulo ng Taiwanese Association sa Pilipinas, matagal nang hindi isinasali ang Taiwan sa WHO at WHA dahil sa presyon mula sa Tsina. Sinimulan ng asosasyon noong nakaraang taon ang Taiwan Can Help series ng mga aktibidad, at ngayong taon ay ika-2 taon na ng inisyatibang ito.
Sinabi ni Bai na nais ng Taiwan na patuloy na kumilos bilang isang responsable at global na mamamayan sa pagtulong sa mga bansang nangangailangan. Umaasa silang ang panawagang “Walang maiiwan” ay maririnig ng international community upang tanggapin ang Taiwan.
Binigyang-diin ni Taiwan Representative to the Philippines, Chou Min-kan, na mahalagang bahagi ang Taiwan sa global public health, at sa pamamagitan ng partisipasyon sa WHO ay mas maipapakita ang kanilang kontribusyon sa kalusugan ng buong mundo. Ngunit, aniya, pinilipit ng Tsina ang kahulugan ng UN Resolution 2758, dahilan kung bakit hindi nagiging patas at propesyonal ang WHO.
Ayon pa kay Chou, ang hindi pagsali sa Taiwan ay nakasasama sa buong global health system, lalo na sa pagresponde sa mga emerhensiyang pangkalusugan. "Nanawagan kami sa lahat ng bansa, kabilang na ang Pilipinas, na suportahan ang Taiwan bilang observer sa mga pulong, aktibidad, at mekanismo ng WHO, kabilang ang WHA."
Samantala, sinabi naman ni MECO Chairperson at kinatawan sa Taiwan na si Cheloy Velicaria-Garafil na ang Taiwan ay may isa sa pinakamahusay na healthcare systems sa buong mundo. Dagdag pa niya, kailangan ng mundo ang isang kasangga na may kakayahan sa makabago at abanteng teknolohiya para masolusyunan ang mga isyu sa kalusugan, at dapat ay maging bahagi ang Taiwan ng global health system.