Noong 2024, inilunsad ng Immigration Agency ng Ministry of the Interior ang programang radyo na “Bagong Residente, Lakas ng Puso” upang tulungan ang mga bagong residente na makahanap ng balanse sa kanilang kultural na pagkakakilanlan. Kasabay nito, nakipagtulungan ang Immigration Agency sa Radio Taiwan International (RTI) para sa isang dalawang-araw na training program noong Abril 26–27 na layuning paunlarin ang kakayahan ng mga bagong talento sa larangan ng paggawa ng programa sa radyo, sa paghahanap ng mga posibleng ‘Bagong Boses’.
Ayon kay Li Ming-li, deputy station director ng RTI, saklaw ng pagsasanay ang paggawa ng program proposal, pagsusulat ng script, at pag-edit ng audio recordings. Mayroong 18 bagong residente mula sa Indonesia, Vietnam, Malaysia at iba pa, karamihan ay mula sa kabataang henerasyon. Sabi ni Li Ming-li:
"(Orihinal na tinig) Marami sa mga kalahok ay mula sa second-generation immigrants at sila ay may sari-saring propesyonal na karanasan. Ang kanilang partisipasyon ay nagdadala ng iba’t ibang perspektibo sa nilalaman ng ating mga programa para sa mga bagong residente."
Isa sa mga kalahok ay si Yang Fu-chiang, isang half-Taiwanese at half-Vietnamese actress na dati na ring nominado sa Golden Bell Awards. Aniya, karaniwan siyang gumanap bilang foreign bride o migrant worker, ngunit dahil sa iba-ibang background ng mga kasamahang kalahok, mas lumawak ang kanyang pag-unawa sa mga bagong residente at second-generation immigrants. Sabi niya:
"(Orihinal na tinig) Karamihan sa mga papel na aking nagampanan ay mga imigrante na nagpakasal sa Taiwanese, o mga migranteng manggagawa at estudyante. Ngunit sa labas ng mga ito, may marami pang ibang identidad na may iba’t ibang karanasan at paraan ng pamumuhay — na dati ay hindi ko maiisip."
Samantala, si Huang Shun-wei, na may IG page tungkol sa kulturang Pilipino at gumagawa na ng sariling media content, ay nagsabing bagama’t may karanasan na siya sa self-media, ang mga legal na isyu tulad ng copyright at intellectual property na tinalakay sa kurso ay bagong kaalaman at malaking aral para sa kanya.
Isa pang kalahok, si Liang Xin-ying, isang Chinese-Indonesian na nagtatrabaho sa international trade at may interes sa self-media, ay nagsabing ang nilalaman ng training ay napakayaman at kapaki-pakinabang, mula sa idea generation hanggang sa scriptwriting. Ito raw ay nagbigay-linaw at direksyon sa uri ng programang gusto niyang gawin sa hinaharap. Umaasa siyang siya rin ay magiging isa sa mga bagong ‘boses’ ng bagong residente.