close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

Mahigit 900 Scholarship Recipients sa Taiwan Mag Gragraduate na — Ayon sa Ministry of Education: Malugod kayong Inaanyayahang Gamitin ang mga Serbisyong Pagtulong sa Pananatili at Pagtatrabah

  • 13 May, 2025
  • 何薇薇
Mahigit 900 Scholarship Recipients sa Taiwan Mag Gragraduate na — Ayon sa Ministry of Education: Malugod kayong Inaanyayahang Gamitin ang mga Serbisyong Pagtulong sa Pananatili at Pagtatrabah

Sa nakalipas na mahigit 20 taon, higit sa 3,000 internasyonal na estudyante ang nakinabang sa Taiwan Scholarship at Chinese Language Scholarship. Upang hikayatin ang mga natatanging talento na manatili sa Taiwan, nanguna sina Deputy Minister of Education Yeh Ping-cheng at Deputy Minister of Foreign Affairs Wu Chih-chung ngayong ika-9 ng Mayo sa isang graduation farewell event para sa mga iskolar, kung saan aktibo silang humikayat sa mga mag-aaral na gamitin ang mga oportunidad sa trabaho sa Taiwan.

Binanggit ni Yeh Ping-cheng na inilunsad kamakailan ng gobyerno ang “Program of Career Counseling and Retention in Taiwan for International Students” (大專校院國際生留台就業輔導專業化計畫), na nag-aalok ng iba’t ibang serbisyo para suportahan ang mga internasyonal na estudyante na gustong magtrabaho at manirahan sa Taiwan. Layon nitong bigyan sila ng sapat na kaalaman at kakayahan upang matagumpay na makapagsimula ng kanilang propesyonal na karera sa bansa.

Bukod dito, inirekomenda rin ni Yeh ang bagong inilunsad na “International Industrial Talents Education Special Program” (INTENSE Program), na nilikha upang makahikayat pa ng mas maraming internasyonal na talento na mag-aral at magtrabaho sa Taiwan.

“Upang masuportahan kayong makapasok sa mundo ng trabaho, inilunsad ng Ministry of Education ang bagong programang ito. Nagbibigay kami ng serbisyo tulad ng internship matching, mga kursong pampalakas ng kakayahan sa Mandarin, training sa mga kasanayan sa trabaho, at mga job search workshops. Layunin naming matulungan kayong maunawaan ang employment market ng Taiwan at matagumpay na maisulong ang inyong karera,” ani Yeh.

Samantala, sinabi rin ni Deputy Minister Wu Chih-chung na mahigit 3,000 estudyante na ang nakinabang sa Taiwan Scholarship at Mandarin Scholarship sa loob ng mahigit 20 taon. Upang maisakatuparan ang layunin ng "comprehensive diplomacy" at mapalalim ang pagpapalitan ng talento sa mga bansang kaalyado, itataas ngayong taon ang bilang ng scholarship slots sa 400, at sa susunod na taon ay 500.

Dagdag pa rito, binanggit ni Wu na kasalukuyang isinusulong ng Ministry of Foreign Affairs at Ministry of Education ang “Dream-Building Program for Youth from Diplomatic Allies”, na magbibigay ng pagkakataon sa mga kabataan mula sa mga bansang kaalyado ng Taiwan na makapunta rito upang mag-aral ng sustainable tourism at smart agriculture. Inaasahang magsisimula na ang unang batch sa Hulyo ngayong taon.

Hinimok ni Wu ang mga nagsipagtapos na internasyonal na estudyante na ibahagi ang magandang balitang ito sa kanilang mga kababayan upang mas marami pa ang mahikayat na mag-apply at mag-aral sa Taiwan.

Comments

Latest Newsmore