Malapit nang ganapin ang World Health Assembly (WHA) ngayong taon, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nakatatanggap ng imbitasyon ang Taiwan. Nuong (Mayo 9), nagsagawa ng press conference ang Federation of Medical Associations of the Republic of China kasama ang 21 malalaking samahan sa larangan ng medikal sa buong bansa, nanawagan sila sa international community at sa World Health Organization (WHO) na isabuhay ang prinsipyo ng "Walang Iwanan" at huwag isantabi ang Taiwan mula sa WHA. Ito rin ay upang maisakatuparan ang pangunahing tema ng taong ito na "One World for Health."
Ang World Health Assembly ngayong taon ay gaganapin sa Mayo 19 sa Geneva, Switzerland. Subalit ika-siyam na taon na ngayon na hindi nakatatanggap ng imbitasyon ang Taiwan. Sa pangunguna ng Federation of Medical Associations, nagsama-sama ang 21 pangunahing samahang medikal sa Taiwan sa isang internasyonal na press conference ngayong umaga upang manawagan sa WHO na alisin ang pulitika sa isyu ng kalusugan at bigyang-daan ang Taiwan na makilahok sa WHA.
Ayon kay Chou Ching-ming, tagapangulo ng Federation of Medical Associations, ang 21 grupong kalahok sa press conference ay kumakatawan sa mahigit 500,000 medical professionals sa buong bansa. Sama-sama silang naninindigan upang hilingin sa WHO at sa pandaigdigang komunidad na igalang ang prinsipyo ng "huwag iwanan ang sinuman" sa pag-abot sa pandaigdigang kalusugan. Dagdag pa niya, tulad ng nakaraang taon, ang World Medical Association (WMA) na kinabibilangan ng milyun-milyong doktor sa buong mundo ay muling nagsumite ng liham kay WHO Secretary-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, upang hikayatin ang WHO na imbitahan ang Taiwan sa WHA at bigyan ito ng pagkakataong makibahagi sa pag-aambag para sa kalusugan ng buong mundo.