Inanunsyo nuong (ika-16 ng Mayo) ng Ministry of Labor ng Taiwan ang pinakabagong datos tungkol sa mga kumpanyang nagsagawa ng “forced leave” o reduced working hours. Ayon sa ulat, may 16 na kumpanya na may kabuuang humigit-kumulang 400 empleyado ang nagpapatupad nito dahil sa hindi tiyak na epekto ng mga taripa ng Estados Unidos. Sa kabuuan, umabot na sa 19 na kumpanya at mahigit 600 katao ang apektado. Gayunpaman, ayon sa mga opisyal, kung ikukumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon, bumaba ang bilang ng mga kumpanyang kasali at bilang ng mga apektadong manggagawa, na nagpapakita ng mas matatag na kalagayan sa merkado ng paggawa.
Ayon kay Hou Sung-yen, bagaman may mga bagong kumpanyang nadagdag, may ilang kumpanya rin na tumigil na sa pagpapatupad ng reduced working hours dahil bumuti na ang kanilang mga order. Sa paghahambing sa parehong panahon noong nakaraang taon, bumaba pa ito ng mahigit 2,000 katao, na indikasyon na nananatiling matatag ang labor market.
Sinabi niya:
“May ilang kumpanya na nagsabing ang dahilan ng kanilang pagpapatupad ng reduced hours ay dahil sa mga pangambang dulot ng taripa ng U.S. Sa kasalukuyang ulat, may 16 bagong kumpanyang nagpahayag ng ganoong dahilan, na sumasaklaw sa mahigit 400 empleyado, karamihan mula sa sektor ng pagmamanupaktura.”
Binanggit din ni Hou na ang Ministry of Labor ay aktibong kumokontak sa mga kumpanyang nag-uulat ng reduced working hours, upang magbigay ng mga tulong tulad ng mga retraining programs sa ilalim ng “Recharge and Restart” initiative, mga programa para sa employment stabilization, at tuluy-tuloy na pagmamasid sa kalagayan ng industriya sa iba't ibang rehiyon para sa karagdagang tulong.
Pinaalalahanan din ng Ministry of Labor ang mga employer na kapag may napagkasunduang reduced hours o “leave without pay” sa pagitan ng employer at manggagawa, kailangang tiyakin pa rin ng employer na binabayaran ang manggagawa ng hindi bababa sa minimum wage na NT$28,590 kada buwan. Hindi ito ganap na “walang bayad,” at kailangang patuloy na bayaran ng employer ang kontribusyon ng manggagawa sa labor at health insurance.