Nuong (ika-16 ng Mayo), isang mag-amang may nasyonalidad na Tsino ang dumating sa baybayin ng Guanyin Beach sa Taoyuan sakay ng rubber boat, at agad silang inaresto ng Coast Guard Administration. Matapos ang imbestigasyon, hiniling ng Taoyuan District Prosecutors Office na ilagay sa kustodiya ang ama, habang ang anak ay dinala sa hukuman para sa mga menor de edad at pagkatapos ay ipinagkatiwala sa Coast Guard upang ilipat sa espesyal na yunit ng Immigration Agency.
Ayon sa ulat, ang dalawang dumating ay isang 41-anyos na lalaki na si Song at ang kanyang 17-anyos na anak na lalaki. Galing sila sa Fujian, China, at magkasamang tumawid patungong Taiwan gamit ang rubber boat. Ayon kay Song, siya raw ay inuusig sa China at kaya’t nagpasya silang magtungo sa Taiwan upang humanap ng kalayaan. Gayunpaman, ang tunay na motibo ng kanilang pagdating sa Taiwan ay patuloy pang iniimbestigahan.
Ayon sa Taoyuan District Prosecutors Office nuong (ika-17 ng Mayo), si Song ay pinaghihinalaang lumabag sa Artikulo 74, Talata 1 ng Immigration Act tungkol sa pagpasok ng mga mamamayan ng Mainland China sa Taiwan nang walang pahintulot. Matapos siyang tanungin ng piskal, agad silang nagsumite ng kahilingan sa korte para sa kanyang pagkakakulong. Ang anak naman, dahil menor de edad, ay iniharap sa hukuman para sa kabataan.
Ayon sa Taoyuan District Court, isasagawa ang pagdinig para kay Song. Bagaman malubha ang paglabag ng anak, itinuturing ng hukom na dahil siya ay menor de edad at nakasama lamang ang kanyang ama, hindi niya lubos na pinili ang nasabing kilos. Kaya, isinasaalang-alang ang kanyang pag-unlad sa pag-iisip at kabuuang kalagayan, napagpasiyahan ng hukuman na hindi kailangan ang pagkakakulong. Sa halip, inatasan nitong ipagkatiwala siya sa Coast Guard para ilipat sa Taoyuan Special Task Force ng Immigration Agency.