Nanalo ng gintong medalya si Golden Melody Award-winning singer Ricky Hsiao sa 2025 Taipei-New Taipei World Masters Games para sa men’s over-30, 90kg (J1 & J2) na kategorya ng para judo. Ayon sa kanya, mas kabado pa siya kaysa mag-concert.
Kahit may iniindang injury sa balikat at payo ng doktor na huwag sumali, itinuloy pa rin ni Ricky ang laban upang hikayatin ang iba na pumasok sa sports. Tinalo niya ang kapwa visually impaired na si Kuo Chien-cheng sa dalawang sunod na laban sa pamamagitan ng “ippon.”
Dating judo national athlete si Ricky at lumahok na rin sa Atlanta Paralympics, pero ito ang unang beses niyang sumabak sa World Masters Games. Aniya, sobrang fulfilling ang pagbabalik sa judo matapos ang halos 20 taon.
Binanggit niya rin na ang sports ang nagbibigay lakas sa kanya para paghusayin ang kanyang musika, at para sa kanya, parehong mahalaga ang kanyang judo gold at Golden Melody award. Kung gagaling ang kanyang katawan, bukas siya sa posibilidad na sumabak muli sa 2027 Kansai World Masters Games.