Ipinahayag ng Kagawaran ng Agrikultura noong Mayo 29 na opisyal nang kinilala ng World Organisation for Animal Health (WOAH) ang Taiwan bilang “Classical Swine Fever (CSF)-free country” sa idinaos na ika-92 taon ng WOAH sa Paris. Kasama ng naunang pagkilalang “free from Foot-and-Mouth Disease (FMD)” at “free from African Swine Fever (ASF),” ang Taiwan na ngayon ang nag-iisang bansa sa Asya na may tatlong sertipikasyon laban sa mga pangunahing sakit ng baboy.
Itinuturing itong malaking tagumpay para sa estratehiya sa animal quarantine ng bansa at magiging daan para sa mas malawak na export ng karne ng baboy at mga kaugnay na produkto, na magpapalakas sa reputasyon at kompetisyon ng industriya sa pandaigdigang merkado.
Dumalo sa seremonya sa Paris ang Deputy Minister at Chief Veterinary Officer Tu Wen-Chen kasama ang delegasyon ng Taiwan. Nagpasalamat ang ahensya sa mga tauhan ng animal quarantine, mga hog raisers, at mga katuwang na institusyon sa tagumpay na ito, na itinuturing nilang bunga ng sama-samang pagsisikap ng sambayanan.
Ayon sa ahensya, wala nang kaso ng CSF sa Taiwan mula pa noong 2006. Dahil dito, unti-unting ipinatigil ang pagbabakuna simula Hulyo 1, 2023, kasabay ng masusing surveillance, inspeksyon sa mga farms at slaughterhouses, at pagpapatupad ng mahigpit na biosecurity at border control. Ang mga imported na baboy ay kailangang galing sa mga bansang kinikilalang CSF-free at kailangang magnegatibo sa mga pagsusuri bago pahintulutang makapasok.
Ang Taiwan ay nagsumite ng aplikasyon sa WOAH noong Agosto 2024, at matapos ang internasyonal na pagsusuri, ay opisyal na kinilala ngayong Mayo 29, 2025.
Bilang pangwakas, tiniyak ng Kagawaran ng Agrikultura na patuloy nitong palalakasin ang monitoring, quarantine, at kakayahang tumugon sa mga sakit, at palalalimin ang internasyonal na kooperasyon upang mapanatili ang estado bilang bansang walang tatlong pangunahing sakit ng baboy at mapalago pa ang eksport ng produktong agrikultural.