Inanunsyo nuong (ika-30 ng Mayo) ng Buro ng Inspeksyon at Kwarentenas sa ilalim ng Kagawaran ng Agrikultura ng Taiwan na ayon sa pinakabagong impormasyon mula sa Tanggapan ng Kinatawan ng Taiwan sa Pilipinas, opisyal nang inaprubahan ng Pilipinas ang pag-aangkat ng mga produktong bituka at balat ng baboy mula sa apat na katayan sa Taiwan — ang Taiwan Meat, Horng Rung Yi, Chia Yi Hsiang, at Tai An. Ito ay kasunod ng pagpayag ng Pilipinas noong 2023 sa pagpasok ng karne ng baboy mula Taiwan, at ngayon ay pinalawak pa ang listahan ng mga produktong pinapahintulutang i-export.
Ayon sa Buro, sa pamamagitan ng mahusay na kooperasyon ng pamahalaan at industriya — gamit ang tinatawag na "National Pork Export Team" — matagumpay na naipapakita ang kalidad ng produktong baboy mula Taiwan at nakamit muli ang pagkilala sa pandaigdigang merkado. Isa ito sa mga bunga ng pagtutulungan ng pampubliko at pribadong sektor.
Paliwanag pa ng Buro, noong Setyembre 2022 ay nagsagawa ng inspeksyon ang Pilipinas sa anim na katayan sa Taiwan at noong Abril 2023 ay pinahintulutan ang pag-export ng frozen na karne ng baboy. Gayunpaman, hindi pa noon kasama ang bituka at balat ng baboy. Dahil sa patuloy na pagtutulungan ng pamahalaan at mga kumpanya, muling nagsagawa ng inspeksyon ang Kagawaran ng Agrikultura ng Pilipinas noong Nobyembre 2024 upang suriin ang mga pasilidad at sistema ng inspeksyon sa bituka at balat ng baboy. Sa huli, opisyal na inaprubahan ng Pilipinas ang kanilang pag-export, na maituturing na pagkilala sa maayos na pamamahala ng Taiwan sa ganitong industriya.
Dagdag ng Buro, matagumpay na naipanatili ng Taiwan na hindi makapasok ang African Swine Fever sa bansa, at nalabanan na rin ang foot-and-mouth disease at classical swine fever. Ipinapakita nito ang matibay na kooperasyon sa pagitan ng pamahalaan, akademya, at industriya, at ang mataas na antas ng biosecurity sa Taiwan. Patuloy na magsisikap ang bansa upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga hayop, maiwasan ang pagpasok ng mga sakit mula sa ibang bansa, at itaguyod ang dekalidad na produktong agrikultural ng Taiwan sa pandaigdigang merkado — upang dalhin ang baboy mula Taiwan sa entablado ng buong mundo at lumikha ng panibagong gintong panahon para sa industriya.