Si Sister Zhao Xiurong, isang madre mula sa Italya na matagal nang naglilingkod sa mga liblib na lugar sa Taiwan, ay pumanaw noong ika-30 ng Mayo sa edad na 93. Sa kanyang paninirahan sa Naluo Tribe, Barangay Jinping, Bayan ng Jianshi, Hsinchu County, nagtayo siya ng kindergarten at tumulong sa napakaraming batang salat sa buhay.
Ipinanganak si Sister Zhao Xiurong noong 1932, at naglaan ng kanyang buong buhay para sa edukasyon ng mga batang katutubo sa kabundukan ng Jianshi. Bukod sa pagtatayo ng simbahan at paaralan, siya ay naging matatag na kaagapay sa paglaki ng mga bata sa komunidad ng Naluo.
Ayon sa alkalde ng Zhubei City sa Hsinchu, si Zheng Zhaofang, sa isang Facebook post noong ika-30 ng Mayo, dumating si Sister Zhao sa Taiwan mahigit 65 taon na ang nakalipas, at mahigit anim na dekada niyang inialay ang sarili sa edukasyon ng mga batang katutubo sa malalayong lugar.
Sa panahong iyon na kulang sa materyal na yaman, si Sister Zhao ay nagbigay ng init at pag-asa sa mga bata—sa pamamagitan ng kanyang mga kamay, mga salita, at kahit isang palayok ng mainit na sabaw.
Aniya, labis ang kanyang kalungkutan sa pagpanaw ni Sister Zhao, lalo’t noong Mayo 3 lamang ay dumalo pa ito sa Mother’s Day celebration, kung saan muling nagkita-kita ang mga dating estudyanteng natulungan at mga kaibigan. Hindi nila inakalang iyon na pala ang huli at pinakamainit na pagkikita.