Inaasahang magpupulong ang Ministry of Labor sa ikatlong quarter ng taon para sa Minimum Wage Review Committee. Ayon sa ilang ulat ng media, maaaring tumaas ng hanggang 3% ang minimum wage sa susunod na taon.
Gayunpaman, ayon sa Confederation of Taiwanese Industries (CTI), bagama’t medyo humupa na ang inflation sa bansa, nananatiling pabago-bago ang patakaran ng taripa ng Amerika, at ang pagtaas ng halaga ng New Taiwan Dollar ay nagpapabigat sa mga kumpanyang umaasa sa export. Dahil dito, mataas pa rin ang antas ng kawalang-katiyakan. Hiling ng grupo na sana ay isaalang-alang ng gobyerno ang mga salik na ito bago gumawa ng pinal na desisyon.
Ayon naman sa National Association of Small and Medium Enterprises, umabot sa mahigit 4% ang taas ng sahod ngayong taon. Ngunit sa inaasahang paghina ng ekonomiya sa ikalawang kalahati ng taon, naniniwala silang hindi dapat kasinglaki ang taas ng sahod sa susunod na taon, dahil kung magpapatuloy ang pagtaas, lalo lang mahihirapan ang mga maliliit at katamtamang laki ng negosyo (SMEs). Ayon sa kanila, mas makabubuti kung manatili muna sa kasalukuyang antas.
Ngayong taon, itinaas ang minimum wage sa NT$28,590 bawat buwan, na may 4.08% na pagtaas. Inaasahan ng Ministry of Labor na tatalakayin sa ikatlong quarter ang bagong adjustment para sa susunod na taon. May mga ulat na nagsasabing ito na ang magiging ikalabing-isang sunod na taon ng pagtaas, at maaaring umabot ang dagdag sa 3%, na magtutulak sa buwanang sahod sa NT$29,450.
Binigyang-diin ni Li Yu-Chia na taun-taon na ang pagtaas ng minimum wage, at ngayong taon ay higit pa sa 4% ang nadagdag. Kung muling tataas sa susunod na taon, hindi dapat masyadong malaki ang dagdag, dahil maaaring hindi kayanin ng mga SMEs ang dagdag na pasanin.