close
RTI to GoDownload RTI APP now
Open
:::

Papalapit na Low Pressure Area, Banta ng Malakas na Ulan sa Silangang Taiwan – CWA

  • 12 June, 2025
  • 汪馬雪莉
Papalapit na Low Pressure Area, Banta ng Malakas na Ulan sa Silangang Taiwan – CWA
Tropical Depression Approaching; Heavy Rainfall Expected in Hualien and Taitung (Photo: CNA)

TAIPEI — Nagbabala ngayong Huwebes ang Central Weather Administration (CWA) na mag-ingat sa posibleng malakas na ulan, lalo na sa mga lalawigan ng Hualien at Taitung, kasunod ng papalapit na tropical depression sa silangang bahagi ng bansa.

Ayon sa CWA, lumalakas ang moisture sa atmospera bunsod ng nasabing sistema, na posibleng magdulot ng panandaliang pero matitinding buhos ng ulan, thunderstorm, at lokal na pagbaha. Sa Taitung, may tsansang magkaroon ng localized torrential rain, na posibleng magdulot ng sakuna kung hindi pagbabantayan.

Samantala, sa mga lugar mula Gitnang Taiwan pataas, inaasahan ang maulap na panahon na may posibilidad ng localized thunderstorms sa hapon. Pinayuhan ang publiko na magdala ng panangga sa ulan at maging alerto sa biglaang pagbabago ng panahon.

Mainit pa rin ang panahon sa kanlurang bahagi ng bansa, na may inaasahang high temperature na 33–35°C, habang nasa 30–31°C naman sa silangan. Sa Kalakhang Taipei, posibleng mas mataas pa ang init, kaya't pinag-iingat ang mga residente sa matinding sikat ng araw at hinihikayat na uminom ng maraming tubig. Ang low temperature sa buong bansa ay nasa pagitan ng 26–28°C.

Sa mga isla, bahagyang maulap hanggang maaraw ang inaasahang lagay ng panahon sa Penghu at Kinmen, habang maulap naman sa Matsu. Ang temperatura ay papalo mula 26 hanggang 32°C.

Nagbabala rin ang CWA sa posibilidad ng malalakas na bugso ng hangin (hanggang level 8 o higit pa) at mahabang alon sa mga baybayin ng Keelung, Yilan, Taitung, Hengchun Peninsula, Green Island, Lanyu, at Matsu. Pinayuhan ang publiko na iwasan muna ang mga aktibidad sa dagat.

Ayon sa pinakahuling datos, ang Tropical Depression #2 ay namataan nitong madaling araw sa layong 440 kilometro sa timog-silangan ng Eluanbi, at patuloy na kumikilos pa-hilagang kanluran. Inaasahan itong lalapit sa silangang karagatan ng Taiwan ngayong araw, at magdudulot ng malalakas na alon at hangin sa mga karatig-dagat, kabilang ang Bashi Channel.

Kasabay nito, binabantayan din ang unang bagyo ng taon — Bagyong "Butterfly" (international name), na namataan sa layong 1200 kilometro sa timog-kanlurang bahagi ng Eluanbi. Bagamat wala itong direktang epekto sa bansa sa kasalukuyan, pinaniniwalaang magpapalakas ito sa low pressure system na dumadaan malapit sa Taiwan.

Comments

Latest Newsmore