Dumalo si Kalihim ng Ugnayang Panlabas na si Lin Chia-lung sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas noong ika-13 ng Hunyo. Ipinahayag niya ang hangarin na manatili ang matibay na pagkakaibigan ng Taiwan at Pilipinas, at magsanib-puwersa para sa kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon ng Indo-Pasipiko. Upang higit pang palalimin ang ugnayan ng dalawang bansa, inanunsyo ni Lin na palalawigin ng Taiwan ang visa-free entry para sa mga mamamayang Pilipino ng isa pang taon.
Sa kanyang post sa Facebook, binanggit ni Lin na ang Hunyo 12, 1898 ay ang araw na pinalaya ng Pilipinas ang sarili mula sa kolonyalismong Kastila at itinalaga ito bilang pambansang araw ng kalayaan. Aniya, isang malaking karangalan ang katawanin ang Taiwan sa ginanap na pagtitipon at maghatid ng taos-pusong pagbati sa pamahalaan at mamamayan ng Pilipinas.
Binanggit din ni Lin na patuloy na lumalalim ang ugnayang Taiwan at Pilipinas, lalo na matapos ilabas ng pamahalaan ng Pilipinas ang Memorandum No. 82 na nagpapaluwag sa ilang restriksyon sa opisyal na pakikipag-ugnayan. Ayon sa kanya, ito ay naglatag ng matibay na pundasyon para sa pinagsamang proyekto tulad ng “Taiwan-Philippines Economic Corridor” at nagbibigay rin ng bagong sigla sa kooperasyon sa mga larangan ng agrikultura, agham at teknolohiya, enerhiya, smart solutions, at economic resilience.
Ipinahayag ni Lin na masigla rin ang palitan sa pagitan ng mga mamamayan ng dalawang bansa: umabot sa 415,000 na Pilipinong turista ang bumisita sa Taiwan noong nakaraang taon — pinakamataas sa lahat ng bansa sa Timog-Silangang Asya. Kasalukuyan din ay may humigit-kumulang 160,000 na Pilipinong migranteng manggagawa sa Taiwan na masipag na nag-aambag sa iba’t ibang industriya. Nagpahayag siya ng taos-pusong pasasalamat sa kanilang kontribusyon sa lipunan ng Taiwan.
Sa huli, inanunsyo ni Lin na bilang hakbang sa patuloy na pagpapalalim ng bilateral relations, palalawigin ng Taiwan ang visa-free entry para sa mga Pilipino ng isa pang taon. Umaasa siyang sa prinsipyo ng pagkakapantay-pantay at mutual benefit, sa hinaharap ay magiging visa-free din para sa mga Taiwanese ang pagpunta sa Pilipinas — na makakapaglakbay nang madali, basta may passport at kaunting gamit, handa na sa isang biglaang bakasyon.